Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 13

13
Mga Tuntunin Tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat
1Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kina Moises at Aaron: 2Kung ang balat ng isang tao ay namamaga, may mga butlig at namumuti, iyon ay tanda ng malubhang sakit sa balat.#13:2 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin, ketong. Ang Hebreong salita nito ay ang tawag sa ibaʼt ibang uri ng sakit sa balat na itinuturing na marumi. Ito rin ang salitang ginagamit sa mantsa (13:47-59) at amag (14:33-53). Siyaʼy dapat dalhin sa paring si Aaron o sa isa sa mga paring mula sa angkan niya. 3Susuriin ng pari ang balat niya, at kung makita niyang ang balahibo ay namumuti at parang tagos sa laman, may nakakahawang sakit sa balat ang taong iyon. Ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay itinuturing na marumi.#13:3 marumi: Ang ibig sabihin, hindi siya maaaring makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon. 4Pero kung ang namumuting balat ay hindi tagos sa laman at hindi rin namumuti ang balahibo, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 5Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari, at kung makita niyang ganoon pa rin ang kanyang balat, at hindi kumalat, siyaʼy ibubukod pa rin ng pari sa mga tao sa loob pa rin ng pitong araw. 6At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari. At kung gumaling na ang kanyang sakit sa balat at hindi ito kumalat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis#13:6 malinis: Maaari na siyang makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon. na, dahil itoʼy butlig lang. Pagkatapos nito, lalabhan ng tao ang kanyang damit,#13:6 lalabhan … damit: Tingnan ang “footnote” sa 11:24-28b. at siyaʼy ituturing na malinis na. 7Pero kung kumalat ang mga butlig sa kanyang balat pagkatapos na siyaʼy magpasuri sa pari at ipinahayag na siyaʼy malinis na, dapat muli siyang magpasuri sa pari. 8At kung kumalat na ang mga butlig, muling ipapahayag ng pari na marumi siya dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa.
9Ang sinumang may nakakahawang sakit sa balat ay dapat magpasuri sa pari. 10Kung sa tingin ng pari ay namumuti ang namamagang balat o namumuti ang balahibo, at nagkakasugat na, 11itoʼy isang sakit na paulit-ulit at nakakahawa. Kaya ipapahayag ng pari na marumi siya. Hindi na kailangang ibukod pa siya para suriin dahil tiyak nang marumi siya.
12Kung sa pagsusuri ng pari ay kumalat na ang sakit sa buong katawan ng tao, 13kailangan pa rin niya itong suriing mabuti. At kung talagang kumalat na nga sa buong katawan ang sakit, at namumuti na ang lahat ng kanyang balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.#13:13 Itoʼy isang uri ng sakit na itinuturing ng mga Israelita na hindi marumi dahil hindi ito namamaga o nakikita ang laman o nagkakaroon ng sugat kundi naiiba lang ang kulay ng balat ng isang tao. 14-15Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nagkakasugat na ang kanyang sakit sa balat, ipapahayag niya na ang taong itoʼy marumi at may sakit sa balat na nakakahawa. At ang lumalabas sa sugat ay ituturing na marumi. 16Ngunit kung gumaling ang sugat at pumuti ang balat, muli siyang magpapasuri sa pari. 17At kung makita ng pari na talagang magaling na ito, ipapahayag ng pari na malinis na siya.
18Kung ang isang taoʼy may bukol na gumaling, 19pero muling namaga o namuti, itoʼy dapat ipasuri sa pari. 20At kung nagkasugat at ang mga balahibo ay pumuti, ipapahayag ng pari na marumi ang taong iyon, dahil ang taong itoʼy may sakit sa balat na nakakahawa at nagsimula ito sa bukol. 21Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman nagkakasugat ang balat at hindi rin namumuti ang balahibo at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 22Ngunit kung itoʼy kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi dahil iyon ay tanda na may sakit siya sa balat na nakakahawa. 23Pero kung hindi naman kumalat, at itoʼy peklat lang ng gumaling na bukol, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
24Kung ang isang tao ay napaso at naimpeksiyon ito, at ito ay namumuti o namumula, 25itoʼy dapat ipasuri sa pari at kung itoʼy nagkakasugat at ang balahibo ay namumuti, may sakit siya sa balat na nagsimula sa paso. Itoʼy nakakahawa kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi. 26Pero kung sa pagsusuri ng pari ay wala namang nagkakasugat at hindi rin namumuti ang balahibo, at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 27At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari kung ang sakit ay kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na marumi siya dahil iyon ay tanda ng sakit sa balat na nakakahawa. 28Pero kung hindi naman kumakalat at medyo gumagaling na, pamamaga lang iyon ng napaso. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
29Kung ang isang tao#13:29 tao: sa literal, lalaki o babae. Katulad din sa talatang 38. ay may tanda ng nakakahawang sakit sa balat sa ulo o sa baba, 30dapat ipasuri niya iyon sa pari. Kung iyon ay sugat na nga, at ang buhok o balbas ay naninilaw at madalang ang pagtubo, ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay marumi, dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa sa ulo o baba. 31Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niya na hindi naman lumalalim ang sugat at wala ng maitim na buhok o balbas, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 32At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit sa balat. At kung hindi naman kumalat at hindi rin nagkasugat ang balat at hindi rin naninilaw ang buhok o balbas, 33dapat niyang kalbuhin ang kanyang buhok o ahitin ang kanyang balbas, maliban sa bahaging may sakit sa balat. At muli siyang ibubukod ng pari ng pitong araw pa. 34At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit. At kung hindi na kumalat ang sakit sa balat at hindi rin nagkasugat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis. Kaya lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing na siyang malinis. 35Pero kung ang sakit sa balat ay muling kumalat sa kanyang katawan pagkatapos na maipahayag ng pari na malinis na siya, 36muli siyang susuriin ng pari. At kung kumalat na ang sakit sa kanyang balat, hindi na niya kailangang magpasuri pa sa pari kung may buhok o balbas na naninilaw dahil tiyak na marumi siya. 37Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi iyon kumalat, at may itim na buhok o balbas na tumutubo, magaling na iyon. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
38Kung may namumuti sa balat ng isang tao, 39kinakailangang magpasuri siya sa pari. At kung ang mga namumuting balat ay maputla, iyon ay mga butlig lang na tumutubo sa balat. Kaya ang taong iyon ay ituturing na malinis.
40-41Kung ang isang tao ay nakakalbo sa bandang noo o sa gitna ng ulo, malinis siya. 42-44Pero kung may namumula at namamaga sa nakakalbong bahagi ng kanyang ulo, dapat siyang magpatingin sa pari. At kung ang namumula at namamaga ay katulad sa nakakahawang sakit sa balat na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag ng pari na marumi siya.
45Ang taong may sakit sa balat na nakakahawa ay dapat magsuot ng punit na damit, guluhin niya ang kanyang buhok, at takpan ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. At siyaʼy sisigaw, “Akoʼy marumi! Akoʼy marumi!” 46Siyaʼy ituturing na marumi habang siyaʼy hindi gumagaling sa sakit niyang iyon. At dapat siyang tumirang nag-iisa sa labas ng kampo.
Mga Tuntunin Tungkol sa Amag sa Damit
47-50Kung ang may sakit sa balat na nakakahawa ay magkakaroon ng amag#13:47-50 amag: sa wikang Hebreo, ang katumbas na salita ay tumutukoy sa maraming klase ng sakit sa balat na parang ketong. sa damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat, itoʼy dapat ipasuri sa pari. Pagkatapos suriin ng pari ang damit o balat, ibubukod niya iyon sa loob ng pitong araw. 51-52Sa ikapitong araw, muli itong titingnan ng pari. At kung kumalat pa ang amag, ituturing na marumi ang damit o balat na iyon, at dapat sunugin dahil ang amag na ito ay kumakalat 53Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman ito kumakalat, 54palalabhan niya ang damit o balat na iyon, at ibubukod sa loob ng pitong araw. 55Pagkatapos ng pitong araw, muli itong titingnan ng pari. Kung ang amag ay hindi nagbabago ang kulay, ang damit o balat na iyon ay ituring na marumi kahit hindi na kumalat ang amag, at dapat sunugin, nasa labas man o nasa loob ng damit ang amag. 56Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang kumukupas ang amag, punitin na lang niya ang bahaging iyon ng damit o balat na may amag. 57Ngunit kung may lumitaw pa ring amag at kumalat, dapat nang sunugin ang damit o balat. 58Kung nawala ang amag pagkatapos labhan ang damit o balat, muli itong labhan at itoʼy ituturing na malinis na. 59Ito ang mga tuntunin kung papaano malalaman ang malinis o maruming damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat na nagkaroon ng amag.

Kasalukuyang Napili:

Leviticus 13: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in