Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Leviticus 8:1-13

Leviticus 8:1-13 ASD

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng Israelita doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis ng olibo na pamahid, ang toro na handog para sa kasalanan, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.” Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga Israelita sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na dapat nating gawin!” Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak nitong lalaki at silaʼy pinaliguan. Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipinasuot din ni Moises sa kanya ang pektoral at doon inilagay ang Urim at Tumim. At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis ng olibo at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. Winisikan din niya ng langis ng olibo ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito upang ihandog ang mga ito sa Panginoon. Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ng olibo ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. At pinalapit niya sa gitna ang mga anak ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.