LEVITICO 8:1-13
LEVITICO 8:1-13 ABTAG01
Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: “Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak, ang mga kasuotan, ang langis na pambuhos, ang torong handog pangkasalanan, ang dalawang tupang lalaki, at ang bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa, at tipunin ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.” At ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon; at ang kapulungan ay nagkatipon sa pintuan ng toldang tipanan. Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin.” At dinala ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at hinugasan sila ng tubig. At isinuot sa kanya ang tunika, binigkisan ng pamigkis, inilagay sa kanya ang balabal, ipinatong ang efod, at ibinigkis sa kanya ang pamigkis na efod na mahusay ang pagkakahabi at itinali ito sa kanya. Ipinatong ni Moises sa kanya ang pektoral, at inilagay ang Urim at ang Tumim sa pektoral. At ipinatong ang turbante sa kanyang ulo; at ipinatong sa harapan ng turbante ang ginintuang plata, ang banal na korona; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang langis na pambuhos at binuhusan ang tabernakulo, at ang lahat ng naroon, at ang mga iyon ay itinalaga. Iwinisik niya ang iba nito sa ibabaw ng dambana ng pitong ulit, at binuhusan ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyon, ang hugasan at ang tuntungan niyon, upang italaga ang mga iyon. Kanyang binuhusan ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya. At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y dinamitan ng mga kasuotan, binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga turbante, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.


