Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 1:26-56

Lucas 1:26-56 ASND

Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. Pinapunta siya sa isang birhen na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka, Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.” Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?” Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. Sapagkat walang imposible sa Dios.” Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel. Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.” At sinabi ni Maria, “Buong puso kong pinupuri ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas! Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod. Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon, dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios. Banal siya! Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon. Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili. Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono, at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.” At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.