Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 2:31-52

Lucas 2:31-52 ASND

na inihanda ninyo para sa lahat ng tao. Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo, at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.” Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.” Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya. Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem. Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. Lumaki ang batang si Jesus, at naging malakas at napakatalino. At pinagpala siya ng Dios. Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin. Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.