na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao,
isang ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,
at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”
Ang ama at ina ng bata ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya.
Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, “Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin,
at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.”
Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal,
at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw.
Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.
Nang magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.
At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.
Noon, taun-taon ay nagtutungo ang kanyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng Paskuwa.
Nang siya'y labindalawang taon na, umahon sila ayon sa kaugalian patungo sa kapistahan.
Nang matapos na ang kapistahan, sa pagbabalik nila ay nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem, ngunit hindi ito alam ng kanyang mga magulang.
Ngunit sa pag-aakala nilang siya'y kasama ng mga manlalakbay, nagpatuloy sila ng isang araw na paglalakbay. Pagkatapos ay kanilang hinahanap siya sa mga kamag-anak at mga kakilala,
at nang di nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya.
Pagkalipas ng tatlong araw, kanilang natagpuan siya sa templo na nakaupo sa gitna ng mga guro na nakikinig at nagtatanong sa kanila.
Ang lahat ng nakikinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan at sa kanyang mga sagot.
Nang siya'y makita nila ay nagtaka sila at sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganito? Tingnan mo, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na may pag-aalala.”
Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?”
At hindi nila naunawaan ang salitang sinabi niya sa kanila.
Umuwi siyang kasama nila, at dumating sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso.
Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.