Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.
Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”
Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat, ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.
Mula roon, pumunta si Jesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Nangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil nangaral siya ng may awtoridad. Doon sa sambahan ay may isang lalaking sinaniban ng masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita! Ikaw ang Banal na sugo ng Dios.” Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At sa harapan ng lahat, itinumba ng masamang espiritu ang lalaki at saka iniwan nang hindi man lang sinaktan. Namangha ang mga tao at sinabi nila sa isaʼt isa, “Anong uri ang ipinangangaral niyang ito? May kapangyarihan at kakayahan siyang magpalayas ng masasamang espiritu, at sumusunod sila!” Kaya kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
Umalis si Jesus sa sambahan ng mga Judio at pumunta sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Kaya nakiusap sila kay Jesus na pagalingin ito. Nilapitan ni Jesus ang may sakit at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala ito. Noon din ay bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Jesus.
Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit. Sari-sari ang mga sakit nila. Ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat. Pinalabas din niya ang masasamang espiritu mula sa maraming tao. Habang lumalabas ang masasamang espiritu, sumisigaw sila kay Jesus, “Ikaw ang Anak ng Dios!” Pero sinaway sila ni Jesus at pinatahimik, dahil alam nilang siya ang Cristo.
Kinaumagahan, maagang umalis ng bayan si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Hinanap siya ng mga tao, at nang makita siya ay pinakiusapang huwag munang umalis sa bayan nila. Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Kailangang ipangaral ko rin ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios sa iba pang mga bayan, dahil ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.”