Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 5

5
Ang Pagtawag ni Jesus sa Kanyang mga Unang Tagasunod
(Mat. 4:18-22; Mar. 1:16-20)
1Isang araw, nakatayo si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret, at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Dios. 2May nakita si Jesus na dalawang bangka sa baybayin. Nagbabaan na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila. 3Sumakay siya sa isang bangka at nakiusap kay Simon na may-ari ng bangka, na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Jesus sa bangka at nagturo sa mga tao.
4Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo, at makakahuli kayo ng isda.” 5Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Pero dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang lambat.” 6Kaya pumalaot sila at inihulog ang lambat. At napakaraming isda ang nahuli nila hanggang sa halos masira na ang kanilang lambat. 7Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasama na nasa isa pang bangka para magpatulong. Tinulungan sila ng mga ito at napuno nila ng isda ang dalawang bangka, hanggang sa halos lumubog na sila. 8Nang makita iyon ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus at sinabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako.” 9Ganito ang naging reaksiyon niya, dahil labis siyang namangha, pati na ang mga kasamahan niya, sa dami ng nahuli nila. 10Namangha rin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na upang madala sila sa Dios.” 11Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat
(Mat. 8:1-4; Mar. 1:40-45)
12Isang araw, nang nasa isang bayan si Jesus, lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat,#5:12 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang Griegong salita nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13. Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa na pagalingin siya. Sinabi niya, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” 13Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” At gumaling agad ang kanyang sakit. 14Sinabihan siya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 15Pero lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya dumating ang napakarami pang mga tao upang makinig sa mga aral niya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. 16Pero laging pumupunta si Jesus sa ilang at doon nananalangin.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko
(Mat. 9:1-8; Mar. 2:1-12)
17Isang araw habang nangangaral si Jesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. Nanggaling ang mga ito sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit. 18May mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang ilapit kay Jesus. 19Pero hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao. Kaya umakyat sila sa bubong at binutasan ito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Jesus ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 20Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan,#5:20 Kaibigan: sa literal, Lalaki. pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
21Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: “Sino kaya ang taong ito na lumalapastangan sa Dios? Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 22Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o, ‘Tumayo ka at lumakad’? 24Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako, na Anak ng Tao, ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi!” 25Tumayo agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat nga niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Dios. 26Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nakita natin ngayon!”
Tinawag ni Jesus si Levi
(Mat. 9:9-13; Mar. 2:13-17)
27Pagkatapos noon, umalis si Jesus at nakita niya ang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 28Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus.
29Naghanda si Levi sa kanyang bahay ng malaking handaan bilang parangal kay Jesus. Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao ang dumalo at nakisalo sa kanila. 30Nang makita ito ng mga Pariseo at ng mga kasama nilang mga tagapagturo ng Kautusan, nagreklamo sila sa mga tagasunod ni Jesus. Sinabi nila, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?” 31Sinagot sila ni Jesus, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. 32Hindi ako naparito upang tawagin ang mga taong matuwid sa sarili nilang paningin, kundi ang mga makasalanan upang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno
(Mat. 9:14-17; Mar. 2:18-22)
33May mga tao roon na nagtanong kay Jesus, “Ang mga tagasunod ni Juan at ng mga Pariseo ay madalas mag-ayuno at manalangin. Bakit ang mga tagasunod mo ay panay lang ang kain at inom?” 34Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 35Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
36Sinabi rin ni Jesus sa kanila ang mga talinghaga na ito: “Hindi ginugupit ang bagong damit para ipangtagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit, at ang tagping bago ay hindi babagay sa lumang damit. 37Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. 38Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat. 39Wala ring taong nakainom na ng lumang alak ang maghahangad ng bagong alak, dahil para sa kanya, mas masarap ang luma.”

Kasalukuyang Napili:

Lucas 5: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in