Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 12:3-50

Mateo 12:3-50 ASND

Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.” Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus. Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Narito ang pinili kong lingkod. Minamahal ko siya at kinalulugdan. Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu, at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa. Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw, at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan. Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa. Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan. At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.” May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios. “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito. “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.” “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.” May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.” “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.” Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”