Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 25

25
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
1“Ang paghahari ng Dios sa araw na iyon ay maitutulad sa kwentong ito: May sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan upang salubungin ang lalaking ikakasal. 2Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy marurunong. 3Ang mga mangmang ay nagdala ng ilawan pero hindi nagdala ng reserbang langis, 4habang ang marurunong naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. 5Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay nakatulog sa paghihintay.
6“Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’ 7Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. 8Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’ 9Sumagot sila, ‘Hindi pwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’ 10Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumama sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11“Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Papasukin nʼyo po kami.’ 12Pero sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’ ” 13At sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.”
Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin
(Luc. 19:11-27)
14 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang pera niya.#25:14 pera: o, ari-arian. 15Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng 5,000, ang isa naman ay 2,000, at sa isa pa ay 1,000. Pagkatapos ay umalis na siya. 16Ang alipin na binigyan ng 5,000 ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng 5,000. 17Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng 2,000. At tumubo siya ng 2,000. 18Pero ang alipin na binigyan ng 1,000 ay naghukay sa lupa at itinago roon ang pera.
19“Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila upang magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. 20Lumapit ang alipin na nakatanggap ng 5,000 at sinabi, ‘Heto po ang 5,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 5,000 na tinubo ko.’ 21Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ 22Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng 2,000 at sinabi niya, ‘Heto po ang 2,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 2,000 na tinubo ko.’ 23Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ 24Lumapit din ang alipin na binigyan ng 1,000 at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. 25Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang 1,000 na ibinigay nʼyo sa akin.’ 26Sumagot ang kanyang amo, ‘Masama at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba. 27Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’ 28Kaya sinabi niya sa iba pang mga utusan, ‘Kunin ninyo sa kanya ang 1,000 at ibigay sa mayroong 10,000. 29Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30Itapon ninyo ang walang silbing alipin na iyan sa kadiliman sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”
Ang Huling Paghuhukom
31“Kapag ako na Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari,#25:31 bilang Hari: o, taglay ang aking kaluwalhatian. kasama ang lahat ng anghel, uupo ako sa aking dakilang trono. 32Titipunin ko sa aking harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin ko sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing. 33Ang mga tupa, na walang iba kundi ang matutuwid, ay ilalagay ko sa aking kanan, at ang mga kambing, na walang iba kundi ang masasama, ay ilalagay ko sa aking kaliwa. 34Pagkatapos, bilang Hari ay sasabihin ko sa mga tao sa aking kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo. 35Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan, 36at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo, at nang nasa kulungan ako ay binisita ninyo.’ 37Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan? 39Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’ 40At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin nʼyo itong ginawa sa akin.’
41“Pagkatapos, sasabihin ko naman sa mga tao sa aking kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Dios! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo pinainom. 43Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’ 44Tatanungin nila ako, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’ 45At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’ 46Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”

Kasalukuyang Napili:

Mateo 25: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in