Sumakay sina Jesus sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa. Pagdating nila roon, umuwi si Jesus sa sarili niyang bayan. Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan. Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus. Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’ Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.” May ilang mga tagasunod ni Juan na Tagapagbautismo ang pumunta kay Jesus at nagtanong, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Bakit hindi nag-aayuno ang mga tagasunod ninyo?”
Basahin Mateo 9
Makinig sa Mateo 9
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 9:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas