At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, at dumating sa kaniyang sariling bayan.
At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.
At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong.
At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?
Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?
Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.
At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.
Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.
At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya.
At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.
At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.
Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?