Micas 6
6
Ang Paratang ng Panginoon Laban sa mga Israelita
1 Sinabi ni Micas: Pakinggan ninyo ang sasabihin ng Panginoon sa inyo:
“Sige na, ilahad ninyo ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol#6:1 iparinig … burol: Ang mga bundok ay nagsisilbing mga saksi sa kaso. ang inyong sasabihin. 2At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako. 4Inilabas ko pa nga kayo sa Egipto kung saan inalipin kayo. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam para pangunahan kayo. 5Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo. Pero pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin din ninyo kung paano ko kayo tinulungan nang maglakbay kayo mula sa Shitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito para malaman ninyo na iniligtas#6:5 iniligtas: o, ginawang matuwid. ko kayo.”
6 Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya#6:6 guya: sa Ingles, “calf.” bilang handog na sinusunog? 7Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libu-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”
8 Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.
Parurusahan ng Panginoon ang mga Israelita
9Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan:
“Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig. 10Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman. 11Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan. 12Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo. 13Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan. 14Kakain kayo, pero hindi kayo mabubusog; patuloy kayong magugutom. Mag-iimpok kayo ng inyong mga ani, pero hindi ninyo ito mapapakinabangan, sapagkat ipapasamsam ko iyon sa inyong mga kaaway. 15Magtatanim kayo, pero hindi kayo ang aani. Magpipisa kayo ng mga olibo pero hindi kayo ang makikinabang sa langis nito. Magpipisa rin kayo ng bunga ng inyong mga ubas, pero hindi rin kayo ang iinom ng katas nito. 16Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”
Kasalukuyang Napili:
Micas 6: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.