Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 14:3-11

Marcos 14:3-11 ASND

Nang si Jesus ay nasa Betania, habang kumakain siya sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala siyang mamahaling pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. Ang pabangong ito ay puro at mula sa tanim na “nardo.” Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabango? Maipagbibili sana iyan sa halagang katumbas ng isang taong sweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae. Pero sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya ginugulo? Mabuti itong ginawa niya sa akin. Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama. Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari upang ipagkanulo si Jesus. Natuwa sila nang malaman nila ang pakay ni Judas, at nangako silang bibigyan siya ng pera. Kaya mula noon, humanap si Judas ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila.