Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”
Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”
Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”
Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”
Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Jesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. At dinakip agad ng mga tao si Jesus. Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo, pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.
Dinala nila si Jesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sumunod din doon si Pedro, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya na nagpapainit sa tabi ng apoy. Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Pero wala silang makuha. Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Jesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.
May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Jesus. Sinabi nila, “Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng tao!’ ” Pero hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.
Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?” Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Kapuri-puring Dios?” Sumagot si Jesus, “Ako nga, at ako na Anak ng Tao ay makikita ninyong nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Dios. At makikita rin ninyo ako sa mga ulap na paparating dito sa mundo.” Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi! Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.
Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardya at pinagbubugbog.
Nang si Pedro ay nasa loob pa ng bakuran, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari. Nang makita niya si Pedro na nagpapainit malapit sa apoy, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret, hindi ba?” Pero itinanggi ito ni Pedro, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok. Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Jesus.” Pero muling itinanggi ito ni Pedro. Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!” Pero sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.” Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ng dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.