Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 14:32-72

MARCOS 14:32-72 ABTAG01

Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito habang ako'y nananalangin.” Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag. Sinabi niya sa kanila, “Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising.” Paglakad niya sa malayu-layo, siya'y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras. At kanyang sinabi, “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma'y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo.” Siya'y bumalik at naratnang sila'y natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang manatiling gising sa loob ng isang oras? Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso; tunay na ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.” Muli siyang umalis at nanalangin na sinabi ang gayunding mga salita. At muli siyang nagbalik at naratnang sila'y natutulog, sapagkat mabigat na mabigat na ang kanilang mga mata at hindi nila nalalaman kung ano ang isasagot sa kanya. Bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras; ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. Bumangon kayo, umalis na tayo. Narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.” Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda. At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.” Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan. Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip. Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga. Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan? Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.” Iniwan siya ng lahat at tumakas sila. Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban. Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad. Dinala nila si Jesus sa pinakapunong pari at nagtipon ang lahat ng mga punong pari, matatanda at mga eskriba. Si Pedro ay sumunod sa kanya sa malayo, hanggang sa loob ng patyo ng pinakapunong pari; at nakiumpok siya sa mga kawal, at nagpainit ng sarili sa apoy. Ang mga punong pari naman at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan, sapagkat marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nagkakatugma. Tumayo ang ilan at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, na sinasabi, “Narinig naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.’” Ngunit sa gayong paraan ay hindi rin nagkatugma ang patotoo nila. Tumayo sa harapan nila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatotohanan nila laban sa iyo?” Ngunit siya'y tumahimik at hindi nagsalita ng anuman. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” Sinabi ni Jesus, “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga alapaap ng langit.” Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at nagsabi, “Ano pang kailangan nating mga saksi? Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasiya?” At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay. Nagsimula ang ilan na duraan siya, tinakpan ang kanyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, na sinasabi nila sa kanya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga bantay at siya'y pinagsasampal. Samantalang nasa ibaba si Pedro, sa patyo, lumapit ang isa sa mga alilang babae ng pinakapunong pari. Nang makita niya si Pedro na nagpapainit, siya'y kanyang tinitigan at sinabi, “Ikaw man ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.” Ngunit siya'y nagkaila, na sinasabi, “Hindi ko nalalaman, ni nauunawaan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [pagkatapos ay tumilaok ang manok]. Nakita siya ng alilang babae at nagsimulang magsabing muli sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila.” Ngunit muling nagkaila siya. At pagkaraan ng ilang sandali, sinabing muli ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Tunay na ikaw ay isa sa kanila, sapagkat ikaw ay taga-Galilea.” Ngunit siya'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi.” At kaagad, sa ikalawang pagkakataon ay tumilaok ang manok at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ng makalawa ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.