Nehemias 12
12
Ang mga Pari at ang mga Levita
1-7Ito ang talaan ng mga pari at ng mga Levita na bumalik mula sa pagkabihag kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel at ni Jeshua na punong pari. Ang mga pari ay sina Seraya, Jeremias, Ezra, Amaria, Maluc, Hatush, Shecania, Rehum, Meremot, Iddo, Gineton, Abijah, Mijamin, Moadia, Bilga, Shemaya, Joyarib, Jedaya, Salu, Amok, Hilkia, at Jedaya. Sila ang mga pinuno ng mga kapwa nila pari at ng kanilang mga kasama noong panahon ni Jeshua.
8Ang mga Levita ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Sherebia, Juda at Matania. Si Matania at ang mga kasama niya ang katiwala sa pag-awit ng mga awit ng pasasalamat. 9At sina Bakbukia, Uni, at ang mga kasama nila, ang katiwala sa pagsagot sa awit na iyon.
Ang mga Lahi ng Punong Pari na si Jeshua
10Si Jeshua ay ama ni Joyakim. Si Joyakim ay ama ni Eliashib. Si Eliashib ay ama ni Joyada. 11Si Joyada ay ama ni Jonatan. At si Jonatan ay ama ni Jadua.
Ang Pinuno ng mga Pamilya ng mga Pari
12-13Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari noong si Joyakim ang punong pari:
Si Meraya ang pinuno ng pamilya ni Seraya.
Si Hanania ang pinuno ng pamilya ni Jeremias.
Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Ezra.
Si Jehohanan ang pinuno ng pamilya ni Amaria.
14Si Jonatan ang pinuno ng pamilya ni Maluc.
Si Jose ang pinuno ng pamilya ni Shebania.#12:14 Shebania: o, Shecania.
15Si Adna ang pinuno ng pamilya ni Harim.
Si Helkai ang pinuno ng pamilya ni Merayot
16Si Zacarias ang pinuno ng pamilya ni Iddo.
Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Gineton.
17Si Zicri ang pinuno ng pamilya ni Abijah.
Si Piltai ang pinuno ng pamilya nina Miniamin at Moadia.
18Si Shamua ang pinuno ng pamilya ni Bilga.
Si Jehonatan ang pinuno ng pamilya ni Shemaya.
19Si Matenai ang pinuno ng pamilya ni Joyarib.
Si Uzi ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.
20Si Kalai ang pinuno ng pamilya ni Salu.
Si Eber ang pinuno ng pamilya ni Amok.
21Si Hashabia ang pinuno ng pamilya ni Hilkia.
At si Netanel ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.
Ang mga Pinuno ng mga Pamilya ng mga Levita
22Noong panahon ng paghahari ni Darius sa Persia, inilista ang mga pangalan ng mga pinuno sa mga pamilya ng mga pari at mga Levita. Nang panahon ng mga punong pari na sina Eliashib, Joyada, Johanan, at Jadua. 23Ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita hanggang sa panahon ni Johanan na apo ni Eliashib ay nakalista sa Aklat ng Kasaysayan.
24Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita: si Hashabia, Sherebia, Jeshua, Binui, Kadmiel,#12:24 Jeshua, Binui, Kadmiel: o, Jeshua na anak ni Kadmiel. at ang iba pa nilang mga kasama na nakatayo sa kabilang bahagi nila sa oras ng pag-awit sa templo ng mga papuri at pasasalamat sa Dios. Sila ang sumasagot sa awit ng kabilang grupo, ayon sa utos ni David na lingkod ng Dios. 25Ang mga guwardya ng pintuan ng templo na nagbabantay ng mga bodega na malapit sa pintuan ay sina Matania, Bakbukia, Obadias, Meshulam, Talmon at Akub. 26Sila ang naglilingkod sa panahon ni Joyakim na anak ni Jeshua at apo ni Jozadak, at sa panahon ni Nehemias na gobernador at ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan.
Itinalaga sa Dios ang Pader ng Lungsod
27Noong panahong itinalaga ang pader ng Jerusalem, ipinatawag ang mga Levita mula sa tinitirhan nila. Pinapunta sila sa Jerusalem upang makalahok sa masayang pagdiriwang ng pagtatalaga ng templo sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit ng pasasalamat at pagtugtog ng mga pompyang, alpa, at lira. 28Pinapunta rin ang mga mang-aawit mula sa mga baryo sa paligid ng Jerusalem at mula sa baryo ng Netofa. 29May mga nagmula sa bayan ng Bet Gilgal, at sa lugar ng Geba at Azmavet. Sapagkat ang mga mang-aawit ay nagtayo ng sarili nilang mga baryo sa paligid ng Jerusalem. 30Gumawa ng seremonya sa paglilinis ang mga pari at mga Levita, para maging malinis sila, at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao, sa mga pintuan ng lungsod at sa pader nito.
31Dinala ko ang mga pinuno ng Juda sa itaas ng pader, at tinipon ko roon ang dalawang malalaking grupo ng mga mang-aawit para magpasalamat sa Dios. Ang isang grupo naman ay nagmartsa roon sa itaas papunta sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura. 32Sumusunod sa kanila sina Hosaya at ang kalahati ng mga pinuno ng Juda, 33kasama rin sina Azaria, Ezra, Meshulam, 34Juda, Benjamin, Shemaya, Jeremias, 35at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Shemaya. Si Shemaya ay anak ni Matania. Si Matania ay anak ni Micaya. At si Micaya ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.) 36Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Shemaya, Azarel, Milai, Gilalai, Maai, Netanel, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Dios. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan. 37Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.
38Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan.#12:38 mamamayan: o, pinuno. Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader. 39Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan,#12:39 Lumang Pintuan: o, Pintuan ni Jeshana. sa pintuan na tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan.#12:39 Tore ng Isang Daan: Maaaring ang “isang daan” ay ang taas o lalim ng baitang ng hagdan nito. Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardya.
40Ang dalawang grupo na nagpapasalamat sa Dios habang nagmamartsa ay dumiretso sa templo ng Dios. Dumiretso rin ako roon at ang kalahati ng mga opisyal na kasama ko. 41Naroon din ang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta na sina Eliakim, Maaseya, Mijamin, Micaya, Elyoenai, Zacarias, at Hanania, 42at ang mga mang-aawit na sina Maaseya, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at Ezer. Sila ang mga mang-aawit na pinamumunuan ni Jezrahia. 43Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at nagsaya, dahil lubos silang pinagalak ng Dios. Pati ang mga babae at mga bata ay naging masaya rin. Kaya ang ingay ng pagsasaya nila ay naririnig kahit sa malayo.
44Nang araw ding iyon, naglagay sila ng mga lalaki na mamamahala sa mga bodega na pinaglalagyan ng mga kaloob, ng unang ani, at ng ikapu. Sila ang mangongolekta ng mga handog mula sa mga sakahan sa paligid ng mga bayan para sa mga pari at sa mga Levita, ayon sa Kautusan. Sapagkat natutuwa ang mga mamamayan ng Juda sa mga gawain ng mga pari at ng mga Levita. 45Ginawa nila ang seremonya sa paglilinis at ang iba pang mga gawain na ipinapatupad sa kanila ng Dios. Ginawa rin ng mga mang-aawit at ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo ang mga gawain nila ayon sa mga utos ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 46Mula pa ng panahon ni Haring David at ni Asaf, mayroon nang mga namumuno sa mga umaawit ng papuri at pasasalamat sa Dios. 47Kaya noong panahon ni Zerubabel at ni Nehemias, ang lahat ng mga Israelita ay nagbibigay ng mga handog nila para sa mga mang-aawit at mga guwardya ng mga pintuan ng templo, maging sa mga Levita. At mula sa mga natatanggap nila binahaginan din ng mga Levita ang mga paring mula sa angkan ni Aaron.
Kasalukuyang Napili:
Nehemias 12: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.