Bilang 16
16
Nagrebelde si Kora at ang Kanyang mga Kasama
1-2Ngayon, nagrebelde kay Moises si Kora na anak ni Izar, na angkan ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa pagrerebelde sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na mula sa lahi ni Reuben. May kasama pa silang 250 lalaking Israelita na kilala at pinili ng mga pinuno mula sa kapulungan ng Israel. 3Pumunta silang lahat kina Moises at Aaron, at sinabi, “Sobra na ang ginagawa nʼyo sa amin, ang buong sambayanan ay banal at nasa gitna nila ang presensya ng Panginoon, kaya bakit ninyo ginagawang mas mataas ang inyong sarili ng higit sa aming lahat?” 4Pagkarinig nito ni Moises, nagpatirapa siya para manalangin sa Panginoon. 5Pagkatapos, sinabi niya kay Kora at sa lahat ng kanyang tagasunod, “Bukas ng umaga, ipapahayag ng Panginoon kung sino ang totoong pinili na maglingkod sa kanya bilang mga pari dahil palalapitin niya sa kanyang presensya ang kanyang pinili. Kaya ganito ang inyong gagawin bukas: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso 6-7at lagyan ninyo ito ng baga at insenso, at dalhin sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, makikita natin kung sino ang pinili ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Kayong mga Levita ang sumusobra na ang mga ginagawa!” 8Sinabi pa ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ito, kayong mga Levita. 9Hindi pa ba sapat sa inyo na sa buong mamamayan ng Israel, kayo ang pinili ng Dios ng Israel na makalapit sa kanyang presensya para maglingkod sa kanyang Tolda at para maglingkod para sa sambayanan? 10Pinili niya kayo at ang iba pang mga Levita para makalapit sa kanyang presensya, at ngayon gusto pa ninyong maging pari? 11Sino ba si Aaron para reklamuhan ninyo? Sa ginagawa ninyong iyan, ang Panginoon ang inyong kinakalaban.”
12Pagkatapos, ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Pero sinabi nila, “Hindi kami pupunta! 13Hindi pa ba sapat na kinuha mo kami sa Egipto na maganda at masaganang lupain#16:13 maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot. Ganito rin sa talatang 14. para patayin lang kami rito sa ilang? At ngayon, gusto mo pang maghari sa amin. 14At isa pa, hindi mo kami dinala sa maganda at masaganang lupain o binigyan ng mga bukid o mga ubasan na aming aariin. Ngayon, gusto mo pa ba kaming lokohin? Hindi kami pupunta sa iyo!”
15Nagalit si Moises at sinabi niya sa Panginoon, “Huwag po ninyong tatanggapin ang kanilang mga handog. Hindi ako nagkasala sa sinuman sa kanila; wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno.”
16Sinabi ni Moises kay Kora, “Bukas, ikaw at ang iyong mga tagasunod ay pupunta sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at pupunta rin doon si Aaron. 17Ang 250 na mga tagasunod mo ay pagdalhin mo ng tig-iisang lalagyan ng insenso. Palagyan mo ito ng insenso at ihandog sa Panginoon. Kayo ni Aaron ay magdadala rin ng lalagyan ng insenso.”
18Kaya kumuha ang bawat isa ng kanya-kanyang lalagyan ng insenso at nilagyan ng baga at insenso, at tumayo sila kasama nina Moises at Aaron sa pintuan ng Toldang Tipanan. 19Nang magtipon na si Kora at ang mga tagasunod niya sa harapan ni Moises at ni Aaron, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan, nagpakita ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa buong kapulungan. 20Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 21“Lumayo kayo sa mga taong ito para mapatay ko sila agad.”
22Pero nagpatirapa sina Moises at Aaron at sinabi, “O Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, magagalit po ba kayo sa buong kapulungan kahit isang tao lang ang nagkasala?” 23Sinabi ng Panginoon kay Moises, 24“Sabihin mo sa mga mamamayan na lumayo sila sa Tolda nina Kora, Datan at ni Abiram.”
25Pinuntahan ni Moises si Datan at si Abiram, at sumunod sa kanya ang mga tagapamahala ng Israel. 26Pagkatapos, sinabi niya sa mga mamamayan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito! Huwag kayong hahawak ng kahit anong pag-aari nila, dahil kapag ginawa ninyo ito parurusahan kayong kasama nila dahil sa lahat ng kasalanan nila.” 27Kaya lumayo ang mga tao sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram. Lumabas sina Datan at Abiram, at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawaʼt anak.
28Sinabi ni Moises sa mga tao, “Sa pamamagitan nito malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin para sa paggawa ng mga bagay na ito, at hindi ko ito sariling kagustuhan. 29Kung mamatay ang mga taong ito sa natural na kamatayan, hindi ako isinugo ng Panginoon. 30Pero kung gagawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay, at mabiyak ang lupa, at lamunin silang buhay, kasama ng lahat nilang mga ari-arian papunta sa mundo ng mga patay, malalaman ninyo na ang mga taong ito ang nagtakwil sa Panginoon.”
31Pagkatapos magsalita ni Moises, nabiyak ang lupa na kinatatayuan nina Datan at Abiram, 32at nilamon sila at ang kanilang pamilya ng lupa, kasama ang lahat ng tagasunod ni Kora at ang lahat ng kanilang ari-arian. 33Buhay silang lahat na nilamon ng lupa pati ang kanilang mga ari-arian. Sumara ang lupa at nawala sila sa kapulungan. 34Ang lahat ng mga Israelita ay nagsilayo nang marinig nila ang kanilang pagsigaw, dahil iniisip nila na baka lamunin din sila ng lupa.
35Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng apoy, at nilamon nito ang 250 tagasunod ni Kora na naghahandog ng insenso.
36Sinabi ng Panginoon kay Moises, 37“Sabihin mo sa paring si Eleazar na anak ni Aaron, na kunin niya ang mga lalagyan ng insenso sa mga bangkay na nangasunog, dahil banal ang mga lalagyan. Sabihan mo rin sila na ikalat nila sa malayo ang mga baga 38ng mga lalagyang ito na galing sa mga taong nangamatay dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipamartilyo ang mga ito hanggang sa mapitpit, at itakip sa altar dahil inihandog ito sa Panginoon at naging banal ito. Ang takip na ito sa altar ay magiging isang babala para sa mga Israelita.”
39-40Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, ipinakuha ng paring si Eleazar ang mga tansong lalagyan ng insenso na dinala ng mga taong nangasunog at minartilyo niya ito upang itakip sa altar. Isa itong babala para sa mga Israelita na walang sinumang makakalapit sa altar para magsunog ng insenso sa Panginoon maliban lang sa mga angkan ni Aaron upang hindi mangyari sa kanya ang nangyari kay Kora at sa mga tagasunod niya. 41Pero nang sumunod na araw, nagreklamo na naman ang buong mamamayang Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Pinatay ninyo ang mga mamamayan ng Panginoon.”
42Habang nagkakaisa silang nagrereklamo kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nila na biglang bumalot ang ulap sa Tolda at ipinakita ng Panginoon ang kanyang makapangyarihang presensya. 43Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Tolda 44at sinabi ng Panginoon kay Moises, 45“Lumayo kayo sa mga taong iyan dahil ibabagsak ko sila ngayon din.”
Nagpatirapa ang dalawa.
46Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang lalagyan mo ng insenso at lagyan ito ng insenso at baga galing sa altar, at magmadali kang pumunta sa mga mamamayan at maghandog ka sa Panginoon para mapatawad ang kanilang mga kasalanan, dahil galit na ang Panginoon at nagsimula na ang salot.” 47Kaya sinunod ni Aaron ang iniutos ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng mga mamamayan. Nagsimula na ang salot sa mga tao, pero naghandog pa rin si Aaron ng insenso para mapatawad ang kasalanan ng mga tao. 48Tumayo siya sa gitna ng mga taong patay na at ng mga buhay pa at tumigil ang salot. 49Pero 14,700 ang namatay, hindi pa kasama ang mga namatay dahil kay Kora. 50Pagkatapos, bumalik si Aaron kay Moises sa pintuan ng Toldang Tipanan dahil tumigil na ang salot.
Kasalukuyang Napili:
Bilang 16: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.