Kawikaan 20
20
1Ang sobrang pag-inom ng alak ay nagbubunga ng panunuya at kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.
2Ang poot ng hari ay parang atungal ng leon. Kapag ginalit mo siya, papatayin ka niya.
3Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; hangal lang ang may gusto ng kaguluhan.
4Ang taong tamad mag-araro sa panahon ng pagtatanim ay walang makukuha pagdating ng anihan.
5Ang isipan ng tao ay tulad ng malalim na balon, ngunit mauunawaan ito ng taong marunong.
6Marami ang nagsasabi na sila ay tapat, ngunit mayroon kaya sa kanila ang mapagkakatiwalaan?
7Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.
8Kapag ang hari ay humahatol, tinitiyak muna niya kung sino ang gumawa ng masama.
9Walang sinumang makapagsasabi na ang puso niya ay malinis, na kailanman ay hindi siya nakagawa ng mali.
10Ang madadayang timbangan at sukatan ay kasuklam-suklam sa paningin ng Dios.
11Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi.
12Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.
13Kung tulog ka nang tulog maghihirap ka, ngunit kung magsisikap ka, ang iyong pagkain ay sasagana.
14Pinipintasan ng mamimili ang kanyang binibili upang makatawad siya. Pero kung nabili na, hindi na niya ito pinipintasan, sa halip ay ipinagyayabang pa.
15Marami ang ginto at mamahaling bato, ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita nang may karunungan.
16Kung may taong nangako na babayaran niya sa iyo ang utang ng taong hindi niya kilala, tiyakin mong makakakuha ka sa kanya ng garantiya, para makatiyak ka na babayaran ka niya.
17Pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na.
18Humingi ka ng payo sa iyong pagpaplano o bago makipaglaban sa digmaan.
19Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.
20Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.
21Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.
22Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.
23Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.
24Ang Panginoon ang nagkaloob nitong ating buhay, kaya hindi natin alam ang ating magiging kapalaran.
25Bago mangako sa Dios ay isiping mabuti, baka magsisi ka sa bandang huli.
26 Sa paghatol, tinitiyak ng matalinong hari na malaman kung sino ang gumagawa ng kasamaan at saka niya parurusahan.
27Ibinigay sa atin ng Panginoon ang ating budhi#20:27 budhi: o, espiritu. at isipan upang makita ang ating kaloob-looban.
28Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.#20:29 katandaan: sa literal, uban.
30Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti para magbago tayo.
Kasalukuyang Napili:
Kawikaan 20: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.