Salmo 119:129-176
Salmo 119:129-176 ASD
Kahanga-hanga ang inyong mga turo, kaya sinusunod ko ito nang buong puso. Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga kulang sa kaalaman. Labis kong hinahangad ang inyong mga utos. Masdan ninyo ako at kahabagan, gaya ng lagi ninyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo. Patnubayan ninyo ako ng inyong mga salita, at huwag ninyong hayaang akoʼy pagharian ng kasamaan. Iligtas ninyo ako sa mga nang-aapi sa akin, upang masunod ko ang inyong mga tuntunin. Ipakita ninyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan, at turuan ninyo ako ng inyong mga tuntunin. Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan. Matuwid kayo, Panginoon, at tama ang inyong mga paghatol. Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan. Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita. Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako, kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod. Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin. Walang katapusan ang inyong katuwiran, at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan. Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan, ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan. Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan. Bigyan ninyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay. Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo; sagutin ninyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin. Tumatawag ako sa inyo; iligtas ninyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin. Gising na ako bago pa sumikat ang araw at humihingi ng tulong sa inyo, dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako. Akoʼy nagpuyat nang buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako. Panginoon, dinggin ninyo ako ayon sa inyong pagmamahal; ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong paghatol. Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan. Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan. Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman. Masdan ninyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas, dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan. Ipagtanggol ninyo ako at iligtas, ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong pangako. Hindi maliligtas ang masasamâ, dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin. Napakamaawain ninyo Panginoon; ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong paghatol. Marami ang umuusig sa akin, ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo. Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo, dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita. Tingnan ninyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin. Ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig. Totoo ang lahat ng inyong salita, at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman. Inuusig ako ng mga namumuno nang walang dahilan, ngunit salita lamang ninyo ang aking kinatatakutan. Nagagalak ako sa inyong mga pangako, tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan. Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan, ngunit iniibig ko ang inyong kautusan. Pitong beses akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos. Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan, at silaʼy hindi mabubuwal. Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas, at sinusunod ko ang inyong mga utos. Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo, at itoʼy sinusunod ko. Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman, kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan. Panginoon, pakinggan sana ninyo ang aking hinaing. Bigyan ninyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako. Sanaʼy dinggin ninyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako. Lagi akong magpupuri sa inyo, dahil tinuturuan ninyo ako ng inyong mga tuntunin. Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita, dahil matuwid ang lahat ng inyong mga utos. Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan, dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin. Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas. Ang kautusan ninyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan. Panatilihin ninyo ang aking buhay para kayoʼy aking mapapurihan, at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban. Para akong tupang naligaw at nawala, kaya hanapin ninyo ako na inyong lingkod, dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.


