Salmo 18:28-36
Salmo 18:28-36 ASD
Panginoon kong Diyos, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag. Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw. Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo, at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan. Ang pamamaraan nʼyo, O Diyos ay walang kamalian. Ang inyong mga salita ay maaasahan. Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga kumakanlong sa inyo. Sapagkat kayo lang, Panginoon, ang tunay na Diyos, at wala nang iba. At kayo lang talaga ang aming Batong kanlungan. Kayo, O Diyos, ang nagbibigay sa akin ng kalakasan, at nagbabantay sa aking daraanan. Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa, upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar. Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, at ang aking brasoʼy nakakabanat ng panang tanso. Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin. Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako. Pinaluwang nʼyo ang aking daraanan, kaya hindi ako natitisod.

