Salmo 25
25
Salmo 25#25 Salmo 25 Ang unang mga salita sa Hebreo: Ang Salmo ni David.
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,#25:11 inyong kabutihan: sa literal, inyong pangalan. patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
Kasalukuyang Napili:
Salmo 25: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.