Salmo 39
39
Salmo 39#39 Salmo 39 Ang unang mga salita sa Hebreo: Ang Salmo ni David para kay Jedutun na direktor ng mga mang-aawit.
Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan
1Sinabi ko sa aking sarili,
“Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
2Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
3Akoʼy tunay na nabahala,
at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
4“Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
5Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
6o kayaʼy parang anino na nawawala.
Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
7At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
8Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
9Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10Huwag nʼyo na akong parusahan.
Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.#39:11 pansamantala lamang: sa literal, parang hininga lamang.
12“Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13Huwag na kayong magalit sa akin,
upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”
Kasalukuyang Napili:
Salmo 39: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.