Pahayag 2
2
Para sa Iglesyang nasa Efeso
1“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto.
2“Batid ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong silaʼy mga sinungaling. 3Tiniis ninyo ang mga paghihirap dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina.
4“Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Tinalikuran ninyo ang una ninyong pag-ibig. 5Alalahanin ninyo ang inyong kinalagyan bago kayo nahulog. Magsisi na kayo sa mga kasalanan ninyo at gawin nang muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. 6Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: Kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita#2:6 Nicolaita: Ayon sa tradisyon, si Nicolas na isa sa mga napiling katulong sa iglesya ang namuno sa grupong ito. Itinuturo nila na ang mga Kristiyano ay may ganap na kalayaan sa kasalanan at sa kapangyarihan ni Satanas, kaya hindi na sila apektado ng anumang ginagawa nila., na kinasusuklaman ko rin.
7“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay pahihintulutan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Diyos.
Para sa Iglesyang nasa Esmirna
8“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Esmirna:
“Ito ang mensahe niya na siyang Simula at Katapusan, na namatay ngunit muling nabuhay.
9“Alam ko ang pagtitiis ninyo at alam ko ring mahirap kayo. Ngunit ang totooʼy mayaman kayo! Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Hudyo sila ngunit hindi naman totoo, dahil mga kampon sila ni Satanas.#2:9 Sa literal, sinagoga ni Satanas. 10Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na dadanasin ninyo. Tandaan ninyo: Ipabibilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo para subukin kayo. Makakaranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay bilang korona ng tagumpay.
11“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay hindi mapaparusahan ng ikalawang kamatayan.
Para sa Iglesyang nasa Pergamo
12“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Pergamo:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng espadang matalas at may magkabilang talim.
13“Alam kong kahit nakatira kayo sa lugar na pinaghaharian ni Satanas ay nananatili pa rin kayong tapat sa akin. Sapagkat hindi kayo tumalikod sa pananampalataya ninyo sa akin, kahit noong patayin si Antipas na tapat kong saksi dʼyan sa lugar na tirahan ni Satanas. 14Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: May ilan sa inyo na sumusunod sa mga aral ni Balaam. Si Balaam ang nagturo kay Balak kung paano udyukan ang mga Israelita na magkasala sa pamamagitan ng pagkain ng mga inihandog sa mga diyos-diyosan at sa pamamagitan ng paggawa ng seksuwal na imoralidad. 15At may ilan din sa inyo na sumusunod sa mga aral ng mga Nicolaita. 16Kaya magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan! Sapagkat kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko sila sa pamamagitan ng espadang lumalabas sa aking bibig.”
17“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng ilan sa mga nakatagong manna. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.
Para sa Iglesyang nasa Tiatira
18“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Tiatira:
“Ito ang mensahe ng Anak ng Diyos, na ang mga mataʼy nagliliyab tulad ng apoy at ang mga paaʼy nagniningning tulad ng pinakintab na tanso.
19“Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam ko na mapagmahal kayo, matapat, masigasig maglingkod at matiyaga. Alam ko rin na higit pa ang ginagawa ninyo ngayon kaysa sa noong una.
20“Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Hinahayaan lang ninyong magturo ang babaeng si Jezebel na nagpapanggap na propeta. Nililinlang niya ang mga taong naglilingkod sa akin at hinihikayat na gumawa ng seksuwal na imoralidad at kumain ng mga inihandog sa mga diyos-diyosan. 21Binigyan ko siya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kanyang imoralidad, ngunit ayaw niya. 22Makinig kayo! Bibigyan ko siya ng karamdaman hanggang sa hindi na siya makabangon sa higaan. Parurusahan ko siya nang matindi pati ang mga nakipagrelasyon sa kanya, kung hindi sila magsisisi sa kanilang kasamaan. 23Papatayin ko ang mga alagad niya upang malaman ng lahat ng iglesya na alam ko ang iniisip at hinahangad ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa mga ginawa ninyo.
24“Ngunit ang iba sa inyo diyan sa Tiatira ay hindi sumusunod sa mga turo ni Jezebel. Hindi kayo natuto ng tinatawag nilang ‘malalalim na mga turo ni Satanas.’ Kaya wala na akong idadagdag pang tuntunin na dapat ninyong sundin. 25Ipagpatuloy na lamang ninyo ang inyong katapatan sa akin hanggang sa pagdating ko.
26“Sa mga magtatagumpay at patuloy na sumusunod sa kalooban ko hanggang sa wakas, bibigyan ko sila ng kapangyarihang mamahala sa mga bansa, 27tulad ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng aking Ama. Mamamahala sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at dudurugin nila ang mga bansa gaya ng pagdurog sa palayok.#2:26‑27 Salmo 2:8‑9. 28At ibibigay ko rin sa kanila ang tala sa umaga.
29“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”
Kasalukuyang Napili:
Pahayag 2: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.