Roma 10
10
1Mga kapatid, ang nais ng aking puso at dalangin sa Dios ay ang kaligtasan ng aking mga kalahing Judio. 2Ako na rin ang makakapagpatunay na masigasig sila sa kanilang paglilingkod sa Dios, kaya nga lang ay hindi ayon sa katotohanan. 3Itoʼy sa dahilang hindi nila alam kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang isang tao. Nagsikap silang gumawa ng sariling pamamaraan sa halip na sundin nila ang pamamaraan ng Dios. 4Sapagkat hindi nila alam na si Cristo ang hangganan ng Kautusan. Dahil sa kanyang ginawa, ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay itinuturing ng Dios na matuwid.
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa taong itinuturing ng Dios na matuwid batay sa Kautusan: “Ang taong sumusunod sa Kautusan ay mabubuhay nang ayon sa Kautusan.”#10:5 Lev. 18:5. 6Pero ganito naman ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ba ang aakyat sa langit?’ ” (para ibaba si Cristo). 7“O di kayaʼy, ‘Sino ang bababa sa lugar ng mga patay?’ ” (para ibangon si Cristo mula sa mga patay). 8Sa halip, sinasabi ng Kasulatan,
“Ang salita ng Dios ay malapit sa iyo; nasa bibig at puso mo.”#10:8 Deu. 30:12-14.
Itoʼy walang iba kundi ang pananampalataya na ipinangangaral namin: 9na kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka. 10Sapagkat itinuring ng Dios na matuwid ang taong sumasampalataya sa kanya nang buong puso. At kung ipapahayag niya na siyaʼy sumasampalataya, maliligtas siya. 11Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”#10:11 Isa. 28:16. 12At ang pangakong itoʼy para sa lahat dahil walang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio.#10:12 hindi Judio: sa literal, Griego. Ang Panginoon ay Panginoon ng lahat, at pinagpapala niya nang masagana ang lahat ng tumatawag sa kanya. 13Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.”#10:13 Joel 2:32.
14Pero paano sila tatawag kung hindi naman sila sumasampalataya sa kanya? At paano sila sasampalataya kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang nangangaral? 15At paano makakapangaral ang sinuman kung hindi naman siya isinugo? Ayon sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng magandang balita.”#10:15 Isa. 52:7. 16Pero hindi naman tinatanggap ng lahat ang Magandang Balita. Sinabi nga ni Isaias, “Panginoon, sino po ba ang naniwala sa sinabi namin?”#10:16 Isa. 53:1.
17Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Cristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya. 18Ito ngayon ang tanong ko: Hindi ba nakarinig ang mga Israelita? Nakarinig sila, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Narinig sa lahat ng dako ang kanilang tinig, at ang sinabi nila ay nakarating sa buong mundo.”#10:18 Salmo 19:4. 19Kung ganoon, hindi ba nila ito naunawaan? Naunawaan nila, dahil ayon sa isinulat ni Moises, sinabi ng Dios sa kanila, “Iinggitin ko kayo sa pamamagitan ng ibang bansa. Iinisin ko kayo dahil ipapakita ko ang aking awa sa mga taong hindi nakakakilala sa akin.”#10:19 Deu. 32:21. 20At buong tapang naman na sinabi ni Isaias ang sinabing ito ng Dios:
“Natagpuan ako ng mga taong hindi naghahanap sa akin. Ipinakilala ko ang aking sarili sa mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”#10:20 Isa. 65:1.
21Pero tungkol naman sa Israel, ito ang sinabi ng Dios: “Matagal akong nanawagan at naghintay sa isang bansang matigas ang ulo at suwail.”#10:21 Isa. 65:2.
Kasalukuyang Napili:
Roma 10: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.