sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. At loobin sana ng PANGINOON na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.”
Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila at sinabi sa kanya, “Sasama kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa kababayan ninyo.” Pero sinabi ni Naomi, “Umuwi na kayo mga anak. Bakit pa kayo sasama sa akin? Akala nʼyo ba makakapag-asawa pa ako at makakapanganak ng mga lalaking mapapangasawa ninyo? Hindi na maaari dahil matanda na ako. Pero ipagpalagay natin na makapag-asawa ako ngayong gabi at magkaanak pa, hihintayin nʼyo ba silang lumaki? Hindi ba kayo mag-aasawa alang-alang sa kanila? Hindi maaari mga anak. Ang totoo, mas mapait ang sinapit ko kaysa sa inyo, dahil pinahirapan ako ng PANGINOON.”
At umiyak na naman sila nang malakas. Pagkatapos, hinalikan ni Orpah ang biyenan niya at umuwi, pero si Ruth naman ay nagpaiwang kasama ni Naomi. Sinabi ni Naomi, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang dios, kaya sumama ka na rin sa kanya.” Pero sumagot si Ruth, “Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo tumira, doon din po ako titira. Ang mga kababayan nʼyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng PANGINOON nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa.”
Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumama sa kanya, tumahimik na lang siya. Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Betlehem. Ang lahat ng taoʼy nabigla sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”
Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi, kundi tawagin ninyo akong Mara, dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng PANGINOON nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang PANGINOON.”
Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada nang dumating si Naomi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.