Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Juan 2

2
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
1Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, na isang matuwid. 2Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.
3Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. 5Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos.#5 umiibig nang wagas sa Diyos: o kaya'y iniibig ng Diyos nang wagas. Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. 6Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.
Ang Bagong Utos
7Mga#Jn. 13:34. minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. 8Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.
9Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba.#10 at hindi siya…ng iba: o kaya'y at ang kanyang kapwa ay hindi magiging sanhi ng kanyang pagkakasala. 11Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.
12Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan. 13Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.
14Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo na ninyo ang Masama.
15Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. 16Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. 17Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.
Ang Anti-Cristo
18Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang anti-Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na atin.
20Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang katotohanan. 21Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.
22Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang sinumang nagsasabi nito ay ang anti-Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag kinilala ninuman ang Anak, kinikilala rin niya ang Ama.
24Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.
26Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng ituturo niya ay totoo, at ito'y walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.
28Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mapahiya sa kanya sa araw na iyon. 29Kung alam ninyong si Cristo'y matuwid, dapat din ninyong malaman na ang bawat gumagawa ng matuwid ay anak ng Diyos.

Kasalukuyang Napili:

1 Juan 2: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in