Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Juan 5:1-12

1 Juan 5:1-12 MBB05

Kung tayo'y sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo, tayo nga'y mga anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ang tumutupad ng kanyang mga utos. Hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtagumpayan na ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos. Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Tatlo ang nagpapatotoo: ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakaisa. Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang Diyos ay ginagawang sinungaling ng sinumang hindi sumampalataya sa Diyos, sapagkat hindi ito naniniwala sa patotoo niya tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan.