Ang sinomang nananampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Dios: at ang bawa't umiibig sa nanganak ay umiibig din naman sa ipinanganak niyaon. Dito'y ating nakikilala na tayo'y nagsisiibig sa mga anak ng Dios, pagka tayo'y nagsisiibig sa Dios at tinutupad natin ang kaniyang mga utos. Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat. Sapagka't ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan: at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya. At sino ang dumadaig sa sanglibutan, kundi yaong nananampalatayang si Jesus ay anak ng Dios? Ito yaong naparito sa pamamagitan ng tubig at dugo, sa makatuwid ay si Jesucristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagka't ang Espiritu ay katotohanan. Sapagka't may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo: at ang tatlo ay nagkakaisa. Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay lalong dakila ang patotoo ng Dios, sapagka't ito ang patotoo ng Dios: sapagka't ito papatotoo tungkol sa kaniyang Anak. Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may patotoo sa kaniya: ang hindi nananampalataya sa Dios ay ginagawang isang sinungaling ang Dios: sapagka't hindi sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Dios tungkol sa kaniyang Anak. At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.
Basahin I JUAN 5
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: I JUAN 5:1-12
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas