Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 25

25
Ang Pagkamatay ni Samuel
1Namatay si Samuel, at ang buong sambayanang Israel ay nagtipon upang magluksa. Inilibing nila ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama.
Si David, si Nabal, at si Abigail
Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran. 2Sa Maon ay may isang taong mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmel. Mayroon siyang tatlong libong tupa at sanlibong kambing. 3Nabal#3 NABAL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “Kahangalan”. ang kanyang pangalan at buhat sa angkan ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4Minsan, nabalitaan ni David na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa. 5Pinapunta ni David sa Carmel ang sampu sa kanyang tauhan 6at ipinasabi ang ganito: “Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan. 7Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng balahibo ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmel. 8Ito'y mapapatunayan nila sa inyo. Dahil dito, tanggapin mo ang aking mga tauhan at ipinapakiusap kong tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng anumang maibibigay mo para maihanda sa aming pista.”
9Sumunod naman ang mga inutusan ni David. Sinabi nila kay Nabal ang lahat ng ipinapasabi sa kanila at naghintay ng sagot. 10Sinabi ni Nabal, “Sino ba si David? Sinong anak ni Jesse? Talagang maraming alipin ngayon na lumalayas sa kanilang mga amo. 11Ang tinapay, inumin at pagkain para sa aking mga manggugupit ay hindi ko maibibigay sa mga taong hindi ko alam kung saang lupalop nanggaling?”
12Nang marinig ito, nagbalik sila kay David at sinabing lahat ang sinabi ni Nabal. 13Dahil dito, sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Ihanda ninyo ang mga tabak ninyo!” Humanda naman ang apatnaraan sa kanyang mga tauhan at sumama sa kanya; naiwan ang dalawandaan upang magbantay sa kanilang mga dala-dalahan.
14Sinabi ng isang pastol kay Abigail, “Si David po ay nagpadala ng sugo sa inyong asawa at magalang na nakipag-usap ngunit sila'y ininsulto ng inyong asawa. 15Mababait ang mga taong iyon. Tinulungan nila kami at wala silang kinuhang anuman sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang. 16Binantayan po nila kami araw-gabi sa aming pagpapastol. 17Pag-isipan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, sapagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito sapagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami papakinggan.”
18Dali-daling naghanda si Abigail ng dalawandaang tinapay. Pinuno niya ng alak ang dalawang sisidlan, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, sandaang kumpol ng pasas at dalawandaang tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa mga asno. 19Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, “Mauna kayo sa akin, at susunod ako.” Hindi niya ito ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa.
20Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila. 21Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin. 22Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.”
23Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David. 24Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin. 25Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin. 26Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,#26 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal. 27Narito po, tanggapin po ninyo ang nakayanan ng inyong lingkod at ipamigay ninyo sa inyong mga tauhan. 28At patawarin po ninyo ang anumang pagkakamali ko. Sigurado kong loloobin ni Yahweh na kayo'y maging hari, pati ng inyong lahi sapagkat nakikipaglaban kayo para sa kanya, at hindi kayo gagawa ng anumang kasamaan habang kayo'y nabubuhay. 29Kung may magtatangka man sa inyong buhay, iingatan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Ang mga kaaway naman ninyo ay ihahagis na parang bato ng tirador. 30At kung loobin ni Yahweh na maging hari na kayo sa Israel tulad ng kanyang ipinangako, 31wala kayong pagsisisihan. Hindi kayo uusigin ng inyong budhi sapagkat hindi kayo pumatay nang walang sapat na dahilan o kaya'y naghiganti sa inyong kaaway. At sana'y maalala ninyo ako sa sandaling marapatin na ni Yahweh na maitatag na ang inyong sambahayan.”
32Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin si Yahweh na nagpapunta sa iyo rito. 33Salamat sa kanya dahil sa iyong kabutihan, sapagkat sa ginawa mo'y nakaiwas ako sa pagpatay ng tao at magsagawa ng sariling paghihiganti. 34Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,#34 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay na sanang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan.” 35Tinanggap ni David ang mga dala ni Abigail. Pagkatapos, sinabi niya rito, “Umuwi ka na. Huwag ka nang mag-alala at gagawin ko ang kahilingan mo.”
36At umuwi na si Abigail. Pagdating ng bahay, nakita niya ang handaan ni Nabal, walang iniwan sa papista ng isang hari. Naratnan niyang lasing na lasing ito kaya't wala siyang sinabing anuman nang gabing iyon. 37Kinabukasan, nang wala na ang pagkalasing nito, isinalaysay niya ang buong pangyayari. Nang marinig ni Nabal ang lahat, inatake siya sa puso at nanigas ang buong katawan. 38Pagkaraan pa ng sampung araw, pinarusahan ni Yahweh si Nabal at ito'y namatay.
39Nang mabalitaan ni David ang nangyari kay Nabal, sinabi niya, “Purihin si Yahweh. Ipinaghiganti niya ako sa paghamak na ginawa sa akin ni Nabal at inilayo niya ako sa pagkakasala. Pinagbayad ni Yahweh si Nabal sa kanyang kasamaan.”
Si David ay nagpasugo kay Abigail at ipinasabing nais niya itong maging asawa. 40Nang dumating sa Carmel ang mga inutusan ni David, sinabi nila, “Ipinapasabi po ni David na nais niya kayong mapangasawa.”
41Yumukod si Abigail, ang mukha'y halos sayad sa lupa, at sinabi, “Narito ang inyong lingkod, handa po akong maghugas ng paa ng inyong mga tauhan.” 42Nagmamadali siyang tumayo, sumakay sa asno at sumama sa mga tauhan ni David, kasama ang lima sa kanyang mga katulong. At siya'y naging asawa ni David.
43Asawa na noon ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at ngayo'y naging asawa rin niya si Abigail. 44Si#2 Sam. 3:14-16. Mical naman na asawa ni David ay ibinigay ni Saul kay Palti na anak ni Lais ng Gallim.

Kasalukuyang Napili:

1 Samuel 25: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in