1 Samuel 9
9
Nagkita sina Saul at Samuel
1Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki. Siya'y si Kish na anak ni Abiel at apo ni Zeror, mula sa sambahayan ni Becorat at sa angkan ni Afia. 2Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel.
3Minsan, nawala ang mga asno ni Kish. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. 4Naghanap sila sa buong kaburulan ng Efraim at sa lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita ni isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin doon. Nagtuloy sila sa Benjamin at wala rin silang natagpuan doon. 5Nakarating sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang nakita, kaya't nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasamang lingkod, “Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalala ng aking ama.”
6Sumagot ang kanyang kasama, “Sandali lang. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya, baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.”
7Sinabi ni Saul, “Ano'ng maibibigay natin kung pupunta tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating pagkain.”
8Sumagot ang katulong, “Mayroon pa akong tatlong gramong pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.”
9Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa isang manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Manghuhula ang dati nilang tawag sa propeta.
10Sinabi ni Saul, “Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.” At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos. 11Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga.
12Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod 13ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.”
14At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.
15Isang araw bago dumating doon si Saul, nagpakita kay Samuel si Yahweh at sinabi, 16“Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang lalaking taga-Benjamin. Pahiran mo siya ng langis bilang pinuno ng aking bayang Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan at narinig ko ang kanilang karaingan.”
17Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.”
18Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po ba nakatira ang manghuhula?”
19Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Bukas ka na ng umaga umuwi pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman. 20Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo sapagkat nakita na ang mga iyon. Sino ba ang pinakamimithi ng Israel kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama?”
21Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”
22Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin. 23Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.” 24Inilabas ng tagapagluto ang pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul.
Sinabi ni Samuel, “Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kainin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.”
Nang araw na iyon, kumain nga si Saul kasalo ni Samuel. 25Pagbalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa ibabaw#25 higaan sa ibabaw: Nang mga panahong iyon, ang mga bubong ng bahay ay pantay at kadalasang tinutulugan ng mga panauhin. ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon.
Binuhusan ng Langis si Saul
26Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, “Bangon na at nang makalakad na kayo.” Bumangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan.
27Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”
Kasalukuyang Napili:
1 Samuel 9: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society