Amos 6
6
Ang Pagkawasak ng Israel
1Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion,
at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria,
kayo na kinikilala sa Israel,
ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan!
2Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne;
puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat,
at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo.
Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel?
Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo?
3Gusto ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong kapahamakan,
ngunit sa ginagawa ninyo'y lalong nalalapit ang araw ng karahasan.
4Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing,
at nagpapahinga sa malalapad na himlayan,
habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya.
5Lumilikha pa kayo ng mga walang kabuluhang awitin sa saliw ng alpa;
tulad ni David, gumagawa kayo ng mga instrumento para sa inyong musika.
6Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak,
at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan,
ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel!
7Kaya nga't kayo ang unang magiging bihag;
matitigil na ang inyong mga handaan at pagdiriwang.
8Mariing ipinahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
“Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel!
Hindi ako nalulugod sa kanilang mga tanggulan.
Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at ang lahat ng bagay na naroon.”
9Kung sasampung lalaki ang natira sa isang pamilya, silang lahat ay mamamatay. 10Kapag dumating ang kamag-anak ng mga namatay upang ilabas at sunugin ang mga bangkay, magtatanong siya sa sinumang nagtatago sa bahay kung mayroon pa siyang ibang kasama. Kung ang sagot ay, “Wala!” sasabihin nito, “Tumahimik ka!” Ingatan nating huwag mabanggit man lang ang pangalan ni Yahweh.
11Kapag siya ang nag-utos,
magkakadurug-durog ang mga bahay,
malaki man o maliit.
12Tumatakbo ba sa batuhan ang mga kabayo?
Naipang-aararo ba sa dagat ang mga baka?
Hindi nga, ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan
at pinalitaw na mali ang tama.
13Tuwang-tuwa kayo nang masakop ninyo ang bayan ng Lo-debar.#13 LO-DEBAR: Sa wikang Hebreo, ang pangalang ito ay kasintunog ng salitang “wala”.
Sabi ninyo, “Tayo'y malakas at nakaya nating sakupin ang Karnaim.”#13 KARNAIM: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “mga sungay”.
14Ngunit ito ang sagot ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat:
“Susuguin ko ang isang bansa laban sa inyo, mga taga-Israel.
Kayo'y pahihirapan buhat sa Pasong Hamat sa hilaga
hanggang sa Batis ng Araba sa timog.”
Kasalukuyang Napili:
Amos 6: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society