Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 4

4
Ang Ikalawang Panaginip ni Haring Nebucadnezar
1Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang pahayag para sa lahat ng lahi, bansa at wika sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad:
“Kapayapaan nawa ang sumainyo. 2Buong kagalakang ipinapahayag ko sa inyo ang mga kababalaghan at himala na ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3“Ang kanyang kababalaghan ay kamangha-mangha
at kagila-gilalas ang mga himala!
Walang hanggan ang kanyang kaharian;
kapangyarihan niya'y magpakailanman.
4“Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. 5Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. 6Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. 7Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag. 8Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: 9Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo'y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin.
10“Ito ang panaginip ko habang ako'y natutulog: May isang napakataas na punongkahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig. 11Tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito ng buong daigdig. 12Madahon ang mga sanga nito at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga hayop at ang mga ibon naman ay namumugad sa kanyang mga sanga. Dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.
13“Nakita ko rin sa panaginip na bumababa mula sa langit ang isang anghel na nagbabantay. 14Sumigaw siya nang malakas, ‘Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito. 15Ngunit huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. 16Ang isip niya'y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon. 17Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’
18“Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.”
Ang Paliwanag ni Daniel sa Panaginip ng Hari
19Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.”
Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip. 20Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig, 21may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon, 22ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig. 23Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon. 24Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. 25Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. 26Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. 27Kaya,#Tb. 12:9; Ecc. 3:30. mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”
28Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia. 30Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”
31Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. 32Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.”
33Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.
Patotoo ni Nebucadnezar
34“Pagkatapos#Ecc. 18:1. ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.
Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan,
ang paghahari niya'y magpakailanman.
35Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga;
ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya.
Walang maaaring mag-utos sa kanya
ni makakatutol sa kanyang ginagawa.
36“Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati.
37“Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.”

Kasalukuyang Napili:

Daniel 4: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in