Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 18:1-14

Deuteronomio 18:1-14 MBB05

“Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. Wala silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako. “Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon. “Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama. “Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. Sinuman sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. Lubos kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.