Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DEUTERONOMIO 18:1-14

DEUTERONOMIO 18:1-14 ABTAG01

“Ang mga paring Levita, na buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel. Sila'y kakain ng mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, at ng kanyang mana. Sila'y hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang PANGINOON ang kanilang mana gaya ng sinabi niya sa kanila. At ito ang magiging bahagi ng mga pari sa bayan, mula sa kanila na naghahandog ng alay, maging baka o tupa. Kanilang ibibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang tiyan. Ang mga unang bunga ng iyong trigo, alak, langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa ay ibibigay mo sa kanya. Sapagkat pinili siya ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng iyong mga lipi upang tumayong tagapaglingkod sa pangalan ng PANGINOON, siya at ang kanyang mga anak magpakailanman. “Kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga bayan mula sa Israel kung saan siya naninirahan, at pumaroon siya sa dakong pipiliin ng PANGINOON, at maaari siyang pumaroon kapag gusto niya, ay maglilingkod nga siya sa pangalan ng PANGINOON niyang Diyos, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kanyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo upang maglingkod sa harapan ng PANGINOON. Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakainin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kanyang ama. “Pagpasok mo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos ay huwag kang mag-aaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang iyon. Huwag makakatagpo sa iyo ng sinumang nagsusunog sa apoy ng kanyang anak na lalaki o babae bilang isang handog, ng manghuhula, o manggagaway o engkantador, o mangkukulam, o gumagamit ng anting-anting, o nagpapagamit sa masasamang espiritu, o salamangkero, o sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa PANGINOON, at dahil sa mga karumaldumal na gawaing ito ay pinalalayas sila ng PANGINOON mong Diyos sa harapan mo. Dapat kang manatiling walang kapintasan sa PANGINOON mong Diyos. Sapagkat ang mga bansang ito na iyong aagawan ay nakikinig sa mga manggagaway at mga manghuhula; ngunit tungkol sa iyo, hindi ka pinahintulutan ng PANGINOON mong Diyos na gawin mo ang gayon.