Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodo 15:1-21

Exodo 15:1-21 MBB05

Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh: “Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay; ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan. Si Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan. Siya'y aking Diyos na aking pupurihin, Diyos ng aking ama, aking dadakilain. Siya'y isang mandirigma; Yahweh ang kanyang pangalan. “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon, sa Dagat na Pula nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling. Sa malalim na dagat sila'y natabunan, tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman. Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan, dinudurog nito ang mga kaaway. Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway; sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok. Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas, parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas. Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin, kayamanan nila'y aking sasamsamin, at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’ Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod, parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog. “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya? Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha, sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan? Nang iyong iunat ang kanan mong kamay, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway. Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay, tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan. Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig; doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao. Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal; matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal, mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan. Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal, para silang bato na hindi makagalaw, nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas, nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas. Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok. Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos, doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos. Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.” Ang mga Israelita'y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita'y tumawid sa tuyong lupa. Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam: “Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay; itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”