Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 39

39
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
1Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. 2Sa#Gw. 7:9 buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. 3Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, 4kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. 5Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. 6Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin.
Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. 7Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.”
8Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, 9at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” 10Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya.
11Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. 12Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. 13Sa pangyayaring ito, 14nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. 15Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.”
16Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. 17Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. 18Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.”
19Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, 20kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. 21Ngunit#Gw. 7:9 si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. 22Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. 23Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.

Kasalukuyang Napili:

Genesis 39: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in