Isaias 50
50
1Sinabi#Bar. 4:6. ni Yahweh:
“Pinalayas ko ba ang aking bayan,
tulad ng isang lalaking pinalayas at hiniwalayan ang kanyang asawa?
Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng ating paghihiwalay?
Pinagtaksilan ko ba kayo para maging bihag,
tulad ng amang nagbenta ng anak upang maging alipin?
Hindi! Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan,
itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan.
2Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos
nang sila'y lapitan ko para iligtas?
Nang ako'y tumawag isa ma'y walang sumagot.
Bakit? Wala ba akong lakas para iligtas sila?
Kaya kong tuyuin ang dagat sa isang salita lamang.
Magagawa kong disyerto ang ilog
upang mamatay sa uhaw ang mga isda roon.
3Ang bughaw na langit ay magagawa kong
kasing-itim ng damit-panluksa.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh
4Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
5Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya.
6Hindi#Mt. 26:67; Mc. 14:65. ako gumanti nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha.
7Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
8Ang#Ro. 8:33-34. Diyos ay malapit,
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang paratang.
9Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
tulad ng damit na nginatngat ng insekto.
10Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh,
at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod,
maaaring ang landas ninyo ay maging madilim,
gayunma'y magtiwala kayo at umasa
sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
11Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba
ang siyang magdurusa sa inyong binabalak.
Kahabag-habag ang sasapitin ninyo
sapagkat si Yahweh ang gagawa nito.
Kasalukuyang Napili:
Isaias 50: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society