Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Santiago 2:1-13

Santiago 2:1-13 MBB05

Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang mahirap na puro sulsi ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali. Mga kapatid kong minamahal, tingnan ninyo nang mabuti! Hindi ba't ang pinili ng Diyos ay ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang nagsasakdal sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos? Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos sa kaharian ng Diyos, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. Ang lumalabag sa isa, kahit tumupad sa iba pang mga utos ay lumalabag pa rin sa buong Kautusan, sapagkat ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo na rin ang Kautusan. Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. Walang awa na hahatulan ng Diyos ang di-marunong maawa; ngunit ang maawain ay walang dapat ikatakot sa oras ng paghatol.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Santiago 2:1-13