Mga kapatid ko, yayamang mayroon kayong pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon ng kaluwalhatian ay huwag magtatangi sa mga tao.
Sapagka't kung may pumapasok sa inyong sinagoga ang isang tao na may singsing na ginto, at may magandang kasuotan, at may pumapasok namang isang dukha na may damit na hamak;
At inyong itangi ang may suot na damit na maganda, at inyong sabihin, Maupo ka rito sa dakong mabuti; at sa dukha ay inyong sabihin, Tumayo ka riyan, o maupo ka sa ibaba ng aking tungtungan;
Hindi baga kayo'y nagtatangi sa inyong sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pagiisip?
Dinggin ninyo, mga minamahal kong kapatid; hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya, at mga tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya?
Nguni't inyong niwalang-puri ang dukha. Hindi baga kayo'y pinahihirapan ng mayayaman, at sila rin ang kumakaladkad sa inyo sa harapan ng mga hukuman?
Hindi baga nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo'y itinatawag?
Gayon man kung inyong ganapin ang kautusang hari, ayon sa kasulatan, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili, ay nagsisigawa kayo ng mabuti:
Datapuwa't kung kayo'y nagtatangi ng mga tao, ay nangagkakasala kayo, at kayo'y hinahatulan ng kautusan na gaya ng mga suwail.
Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat.
Sapagka't ang nagsabi, Huwag kang mangalunya, ay nagsabi, naman, Huwag kang pumatay. Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, nguni't pumapatay ka, ay nagiging suwail ka sa kautusan.
Gayon ang inyong salitain, at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.
Sapagka't ang paghuhukom ay walang awa doon sa hindi nagpakita ng awa: ang awa ay lumuluwalhati laban sa paghuhukom.