Jeremias 34
34
Ang Babala ni Jeremias kay Zedekias
1Ito#2 Ha. 25:1-11; 2 Cro. 36:17-21. ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias nang ang Jerusalem at mga karatig-bayan ay sinasalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang hukbo, katulong ang lahat ng kaharian at bansang sakop nito. 2“Pumunta ka at sabihin mo kay Haring Zedekias ng Juda ang ganito: Ang lunsod na ito'y ibibigay ko sa hari ng Babilonia at kanyang susunugin. 3Hindi ka makakaligtas; mahuhulog kang tiyak sa kamay niya. Makikita mo't makakausap nang harap-harapan ang hari ng Babilonia at dadalhin kang bihag sa bansang iyon. 4Ngunit pakinggan mo ang sabi sa iyo ni Yahweh, Haring Zedekias: 5Hindi ka mamamatay sa digmaan; mapayapa kang papanaw, at magsusunog sila ng insenso sa iyong libing, gaya ng ginawa nila sa libing ng iyong mga ninunong hari. Ipagluluksa ka at tatangisan ng ganito, ‘Patay na ang aming hari!’ Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.”
6Inulit namang lahat ni Jeremias ang pahayag na ito sa harapan ni Haring Zedekias ng Juda, 7nang panahong ang hukbo ng Babilonia ay sumasalakay na sa Jerusalem, sa Laquis at Azeka, ang nalalabing mga lunsod sa Juda. Ito na lamang ang natirang lunsod sa Juda na may mga kuta.
Nilabag na Kasunduan Tungkol sa mga Aliping Hebreo
8Dumating kay Jeremias ang salita ni Yahweh matapos pagkasunduan ni Haring Zedekias at ng mga taga-Jerusalem na palayain ang mga alipin. 9Lahat ng may aliping Hebreo, maging babae o lalaki, ay magpapalaya sa mga ito; upang hindi manatiling alipin ang kapwa nila Judio. 10Sumunod naman ang lahat ng pinuno at mga taong may mga alipin sa bahay. Pinalaya nila ang mga ito at hindi na muling aalipinin. 11Subalit pagkalipas ng ilang panahon, nagbago ang kanilang isip at pilit nilang inaliping muli ang mga aliping pinalaya nila.
12Sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 13“Nagkasundo kami ng inyong mga ninuno nang araw na sila'y palabasin ko sa Egipto, sa lupain ng kanilang pagkaalipin. Ganito ang aming kasunduan: 14Pagkalipas#Exo. 21:2; Deut. 15:12. ng anim na taon ng paglilingkod, palalayain nila sa ikapitong taon ang sinumang Hebreo na binili nilang alipin. Ngunit hindi nila ako sinunod. 15Kayo nama'y nagsisi at ginawa ninyo ang matuwid na pasyang palalayain ang inyong mga aliping Hebreo. Pinagtibay ninyo ito sa aking harapan, sa Templong itinayo ninyo para sa aking karangalan. 16Ngunit nagtaksil din kayo at nilapastangan ninyo ang aking pangalan, nang muli ninyong alipinin ang mga lalaki't babaing inyong pinalaya. 17Kaya nga, sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo ako sinunod matapos ninyong ipahayag na palalayain ang inyong mga kalahi. Kaya naman, bibigyan ko kayo ng kalayaan, ang kalayaang mamatay sa digmaan, sa salot at sa gutom. Lahat ng bansa ay masisindak sa aking gagawin sa inyo. 18Nilabag ninyo ang ating kasunduan at hindi ninyo tinupad ang tuntuning sinang-ayunan ninyong gawin. Gagawin ko sa inyo ang ginawa ninyo sa guya na inyong pinatay, hinati, at dinaanan sa pagitan. 19Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, mga eunuko, mga pari, at lahat ng dumaan sa guyang hinati ay 20ibibigay ko sa kaaway. Mamamatay sila at ang bangkay nila'y kakanin ng mga ibon at mababangis na hayop! 21Ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang kanyang mga pinuno sa mga kaaway na tumutugis sa kanila, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na tumigil na sa pagsalakay. 22Ako ang mag-uutos sa kanila, at muli nilang sasalakayin ang lunsod na ito. Masasakop nila ito at susunugin; gagawin kong tulad sa disyerto ang mga lunsod ng Juda, at wala nang maninirahan doon.”
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 34: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society