Job 12
12
Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos
1Ang sagot ni Job:
2“Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
3Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
di mo masasabing higit ka kaysa akin,
lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
4Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
5Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
6Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.
7“Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
8Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
9Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
naririnig ng tainga ang salitang dumarating.
12“Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.
16“Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.
Kasalukuyang Napili:
Job 12: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society