Job 26
26
Inihayag ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos
1Tumugon naman si Job,
2“Malaking tulong ka sa akin na isang mahina!
Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa?
3Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan,
at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan?
4Sino kayang makikinig sa sinasabi mo?
At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?”
5Ang sagot ni Bildad,
“Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman,
ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan.
6Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos.
Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos.
7Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay,
ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan.
8Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap,
at pinipigil niya ito kahit na anong bigat.
9Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan.
10Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman,
ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan.
11Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot,
nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos.
12Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat;
sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab.
13Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas,
pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas.
14Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan,
na hindi pa rin natin lubos na maunawaan.
Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”
Kasalukuyang Napili:
Job 26: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society