Job 8
8
Makatarungan ang Diyos
1Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2“Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,
mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
3Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;
hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
4Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,
kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
5Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
6kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,
tutulungan ka ng Diyos;
gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
7Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,
kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.
8“Alamin#Ecc. 8:9. mo ang mga nagdaang kasaysayan,
itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
9Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;
parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,
ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.
11“Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,
kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,
kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,
pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,
kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.
16“Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,
tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,
at sa bawat bato sila'y humahawak.
18Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,
wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,
may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.
20“Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,
ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,
at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”
Kasalukuyang Napili:
Job 8: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society