Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 8:18-34

Mateo 8:18-34 MBB05

Nang makita ni Jesus ang mga tao sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” Isa naman sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Maglingkod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.” Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Dahil sa labis na takot, si Jesus ay nilapitan at ginising ng mga alagad. “Panginoon, tulungan ninyo kami! Lulubog tayo!” sabi nila. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!” Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, hayaan mong pumasok kami sa mga baboy na iyon.” Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang sumibad ng takbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod. Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinasapian ng demonyo. Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.