Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, ipinag-utos niyang tumawid sa kabilang pampang.
Lumapit ang isang eskriba at nagsabi sa kanya, “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magtungo.”
Sinabi ni Jesus sa kanya, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad; ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapagpahingahan ng kanyang ulo.”
Isa pa sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.”
Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin; at hayaan mong ang mga patay ang maglibing sa sarili nilang mga patay.”
Nang makasakay si Jesus sa bangka, sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.
At dumating ang isang malakas na bagyo sa dagat, anupa't matatabunan na ng alon ang bangka; ngunit siya ay natutulog.
Lumapit sila sa kanya at siya ay ginising, na nagsasabi, “Panginoon, iligtas mo kami; mamamatay kami!”
Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot, O kayong maliliit ang pananampalataya?” Kaya't bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang dagat, at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.
Kaya't namangha ang mga tao, na nagsasabi, “Anong uring tao ito na maging ang mga hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Nang makarating si Jesus sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonyo na lumabas mula sa mga libingan. Napakabangis nila kaya't walang makadaan doon.
Sila ay sumigaw na nagsasabi, “Anong gagawin mo sa amin, O Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang takdang panahon?”
Sa may kalayuan sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain.
At nagmakaawa sa kanya ang mga demonyo, na nagsasabi, “Kung palalayasin mo kami ay papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”
Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo.” Lumabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ng mga baboy ay bumulusok sa bangin patungo sa dagat at namatay sila sa tubig.
Tumakas ang mga tagapag-alaga ng mga iyon; at pagpasok nila sa bayan ay sinabi nila ang buong pangyayari at ang nangyari sa mga inalihan ng mga demonyo.
Lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus at pagkakita nila sa kanya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang nasasakupan.