Marcos 9
9
1Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang makapangyarihang naghahari ang Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus
(Mt. 17:1-13; Lu. 9:28-36)
2Pagkaraan#2 Ped. 1:17-18. ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila'y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. 3Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa lupa ang makapagpapaputi nang gayon. 4At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. 5Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 6Nasabi ito ni Pedro sapagkat sila ay takot na takot.
7Nililiman sila ng makapal na ulap at mula rito'y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” 8Nang tumingin sa paligid ang mga alagad, wala na silang ibang nakita maliban kay Jesus.
9Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. 11At#Mal. 3:23; Mt. 11:14. tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”
12Tumugon#Ecc. 48:10. siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? 13Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu
(Mt. 17:14-21; Lu. 9:37-43a)
14Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. 16Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”
17Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”
19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”
20Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21“Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama.
“Simula pa po noong bata siya!” tugon niya. 22“Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”
23“Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”
24Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”
25Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”
26Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” 27Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.
28Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”
29Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay
(Mt. 17:22-23; Lu. 9:43b-45)
30Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.
Ang Pinakadakila
(Mt. 18:1-5; Lu. 9:46-48)
33Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34Hindi#Lu. 22:24. sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
35Naupo#Mt. 20:26-27; 23:11; Mc. 10:43-44; Lu. 22:26. si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” 36Tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37“Ang#Mt. 10:40; Lu. 10:16; Jn. 13:20. sinumang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”
Kapanig Natin ang Hindi Laban sa Atin
(Lu. 9:49-50)
38Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”
39Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. 40Sapagkat#Mt. 12:30; Lu. 11:23. ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41Tandaan#Mt. 10:42. ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Sanhi ng Pagkakasala
(Mt. 18:6-9; Lu. 17:1-2)
42“Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin.#42 sa akin: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. 43-44Kung#Mt. 5:30. ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay.#43-44 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy. 45-46Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno.#45-46 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy. 47At#Mt. 5:29. kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na kulang ng isang mata, kaysa may dalawang matang itapon ka sa impiyerno.#47 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy. 48Doo'y#Isa. 66:24. hindi namamatay ang mga uod at ang apoy.
49“Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy.#49 dadalisayin sa apoy: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin. 50Mabuti#Mt. 5:13; Lu. 14:34-35. ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Maging kagaya kayo ng asin, at mamuhay kayong mapayapa sa isa't isa.”
Kasalukuyang Napili:
Marcos 9: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society