Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 23

23
-6-
1Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. 2Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. 3Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.
-7-
4Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. 5Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.
-8-
6Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. 7Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. 8Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.
-9-
9Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.
-10-
10Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. 11Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.
-11-
12Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
-12-
13Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. 14Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.
-13-
15Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
-14-
17Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
-15-
19Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.
-16-
22Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.
23Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
24Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
25Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.
-17-
26Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.
-18-
29Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”

Kasalukuyang Napili:

Mga Kawikaan 23: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in