Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 29

29
1Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas;
ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.
2Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya,
ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.
3Ang nagpapahalaga sa karunungan ay nagbibigay galak sa magulang,
ngunit ang nakikisama sa patutot ay nagwawaldas ng kayamanan.
4Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan,
ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman.
5Ang kunwang pumupuri sa kanyang kapwa,
nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda.
6Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan,
ngunit ang matuwid ay panatag, may awit ng kagalakan.
7Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap,
ngunit ito'y bale-wala sa mga taong swapang.
8Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo,
ngunit ang galit ay pinapawi ng taong matino.
9Kapag inihabla ng may unawa ang isang taong mangmang,
ito'y hahalakhak lang at lilikha ng kaguluhan.
10Ang mamamatay-tao ay namumuhi sa taong tapat,
ngunit ang matuwid, sa kanila'y nag-iingat.
11Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan,
ngunit ang matalino'y nagpipigil na ang galit niya'y mahalata.
12Kapag nakinig ang hari sa kasinungalingan,
lahat ng lingkod niya'y mabubuyo sa kasamaan.
13Magkapareho sa iisang bagay ang mahirap at maniniil:
Si Yahweh ang may bigay ng kanilang paningin.
14Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay,
magiging matatag magpakailanman ang kanyang kaharian.
15Disiplina at pangaral, hatid ay karunungan;
ngunit ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan.
16Kapag masama ang namamahala, naglipana ang karahasan,
ngunit masasaksihan ng matuwid ang kanilang kapahamakan.
17Ang anak mo'y busugin sa pangaral,
at pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan.
18Ang bansang walang patnubay ng Diyos ay puno ng kaguluhan,
ngunit mapalad ang taong sumusunod sa Kautusan.
19Ang#Ecc. 33:25-30. utusan ay di matututo kung ito lang ay pagsasabihan,
pagkat di niya susundin kahit ito ay maunawaan.
20Mabuti nang di hamak ang hangal
kaysa taong ang sinasabi'y hindi na pinag-iisipan.
21Kapag ang utusan ay iyong pinalayaw,
siya na ang mag-uutos pagdating ng araw.
22Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo;
laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo.
23Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan,
ngunit ang mapagpakumbabá ay magtatamo ng karangalan.
24Ang makipagsabwatan sa magnanakaw ay mahirap na kalagayan:
Kapag nagsabi ng totoo, ipabibilanggo ng hukuman,
ngunit paparusahan naman ng Diyos kapag ang sinabi'y kasinungalingan.
25Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba,
magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
26Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong,
ngunit kay Yahweh lamang makakamtan ang katarungan.
27Ang masama ay kinasusuklaman ng mga matuwid;
ang masasama nama'y sa matuwid nagagalit.

Kasalukuyang Napili:

Mga Kawikaan 29: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in