Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 31

31
Mga Kawikaan ng Ina ni Haring Lemuel
1Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.
2“Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. 3Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. 4Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. 5Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. 6Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. 7Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.
8“Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. 9Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Ang Huwarang Maybahay
10Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
12Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
13Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.
14Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.
15Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.
16Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.
17Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
18Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
19Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
20Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.
21Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.
22Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
24Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.
26Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.
27Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
28Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
29“Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”
30Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
31Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.

Kasalukuyang Napili:

Mga Kawikaan 31: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in